From OFW to entrepreneur: Ang paglalakbay sa tagumpay

Image title

Domingo sharing his story at the CARD SME bank "Go Negosyo Talk Series"

UMABOT sa 10 taon ang pagtratrabaho ni Jun Delos Reyes Domingo bilang seaman bago magdesisyong tumigil upang makapiling ang kanyang pamilya.

Mahirap ang kanyang naging buhay sa barko dahil hindi naman kataasan ang posisyon. Nagsilbi siyang cadet at buson mula 1993 hanggang 2013 sa isang cargo vessel.

Sa loob ng 10 taon sa barko, tiniis niya ang hirap alang-alang sa pamilya. Sa haba ng pagtratrabaho sa ibayong dagat pakiramdam ni Jun walang nangyayari.

Paulit-ulit lang ang eksena na kapag uuwi siya ay may pera at kapag natapos ang bakasyon ay babalik siya na may utang pa na kailangang bayaran. Dahil dito, nag-isip si Jun at sinabi sa sarili, “Hindi pwedeng habambuhay ganito ang sitwasyon kailangang may gawin ako.”

Dahil determinado at gustong makapiling ang pamilya, nagsimula siyang dumiskarte upang madagdagan ang buwanang sahod. Taong 2005 nagsimula siyang magbuy and sell ng mga palamuti sa bahay at kung anu-ano pa na binibili niya sa ibat-ibang lugar na kanilang napupuntahan.

Nakita niyang maganda ang kita dito lalo na at masigasig din ang kanyang asawa na naging katuwang niya. Nagpursige sila. Tulad ng ibang negosyo maraming pagsubok na dumating tulad ng mga utang na hindi nabayaran ng mga customer, at iba pa. Hindi ito naging hadlang upang ipagpatuloy ang kanilang nasimulan.

Taong 2013 nagsimula sila ng isang maliit na sari-sari store sa harap ng kanilang bahay. Sa tulong ng P8,000 na dagdag puhunan mula sa sa microfinance loan ng Center for Agricultural and Rural Development (CARD) sa kanilang lugar sa Lipa, Batangas kung saan pitong taon nang miyembro ang kanyang asawa ayvpinagyaman nila ang kanilang munting negosyo.

Nagtulungan silang mag-asawa at nagpasya si Jun na huwag nang sumakay uli sa barko. Dahil likas na palakaibigan, dumami ang kanilang customer kahit na maraming kakompetensya na sari-sari store sa kanilang lugar.

Aminado si Jun na hindi ganun kadali kitain ang pera mula sa negosyong sinimulan nilang mag-asawa ngunit hindi naging hadlang ito para manatili pa rin sa Pilipinas. Kalaunan, tuwang-tuwa na siya dahil ang munting sabit-sabit ng shampoo, toothpaste at iba pa sa kanilang sari-sari store ay dumami na. Sa ngayon ay bahagi na sila ng Small and Medium Enterprise ng CARD Bank kung saan mayroon silang loan na dagdag kapital sa kanilang mini-grocery at water refilling station.

Tunay ngang naging matagumpay ang paglalakbay ni Jun na dating isang OFW na ngayon ay isa nang entrepreneur sa sariling bansa. Binigyang diin din niya sa kanyang pagbabahagi ng kanyang “inspiring story” sa katatapos na CARD SME Bank “ Go Negosyo Talk Series” na isinagawa in cooperation with CARD HK Foundation noong unang araw ng Oktubre na mahalaga ang hands on at pakikibahagi ng mga kapamilya sa negosyo upang maibigay ang kalidad na serbisyo sa customer.

Ayon kay Jun: “Success is not the key to happiness, Happiness is the key to success”.

Naniniwala siya na kung gusto mo ang iyong ginagawa ay magiging matagumpay ito lalo na sa pagnenegosyo. Ngayon hindi na niya kailangang lumayo sa pamilya at magtrabaho bilang OFW sa ibang bansa. Kapiling na niya ang kanyang pamilya at masasabing maalwan ang kabuhayan. Sa katunayan, nagagawa na ng pamilya ni Jun na makapamasyal sa ibat-ibang bansa bilang mga turista.

Ads 240x180
Ads 240x180
Ads 240x180
Ads 240x180
Ads 240x180