Itigil ang K to 12

SA pagpasok ng panibagong school year sa Pilipinas ay bumungad ang mga pagtutol hindi lamang sa kadalasang isyu ng pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin sa eskwelahan. Nadagdagan pa ito ng
mainit na protesta sa kontrobersyal na K to 12 program ng gobyernong Aquino.

Sa gitna ng anunsyo ng Department of Education na inaprubahan nito ang tuition increases sa mahigit isang libong paaralan ngayong taon ay todo-larga rin ito sa pag-promote ng kanyang balikong
K to 12 program. Nito lamang Mayo 29 ay naglunsad ng National Summit for K to 12 ang DepEd sa PICC. Kinondena nga ng Alliance of Concerned Teachers ang gastusin na inilaan sa nasabing Summit
na ani nga nilaý mas mabuting nagamit na lang sana para sagutin ang matagal ng problema sa kawalan ng mga klasrum, textbooks, CR, pasilidad at iba pa lalo na sa mga pampublikong paaralan. Hindi
nga kayang itago ng magastos na pag-imprenta at pamumudmod ng mga t-shirt, mga tarpaulin, at kung ano anong gimik para i-promote ang K to 12 ang katotohanan na palpak ang preparasyon para sa
programang ito.

Sa katunayan nga, ayon sa mga grupo ng mga estudyante, mga guro at maging mga magulang, ang K-12 ay magreresulta lamang ng (1) pagtaas ng matrikula at gastusin, (2) pagdami ng drop out sa high
school at (3) pagkawala ng trabaho ng mga guro. Inamin na mismo ng DepEd na 48% lamang ng mga public schools ang kakayaning magpatupad ng K-12 senior high school. Ibig sabihin, hindi kakayaning
maipasok lahat sa mga public schools kaya itutulak nito ang mahigit isang milyong estudyante na pumasok sa mga private schools para lamang maituloy ang senior HS.

Itutulak ng K-12 na magbayad ng mas mataas na matrikula ang mga magulang. Ayon sa Anakbayan, aabot sa P35,000 hanggang P100,000 kada taon ang halaga ng matrikula at ibang bayarin sa mga private schools na iyan. Kahit pa magbigay ng “vouchers”ang DepEd sa mga papasok sa private schools, hindi nito kayang i-subisdize ang kabuuang gastusin ng mga estudyante. Malaki rin ang posibilidad na makurakot pa ang pera. Ayon naman sa mga guro, tinatayang 80,000 na teaching at non-teaching personnel ang mawawalan ng trabaho sa mga unibersidad at kolehiyo dahil mawawalan sila ng freshman enrolees sa loob ng dalawang taon dahil nga sa senior high school ng K-12.
Sa patong-patong na dahilang ito, lumalawak na ang bilang ng nagsasabing dapat na isuspinde at itigil na ang kahibangang K-12. Makiisa tayo.

Ads 240x180
Ads 240x180
Ads 240x180
Ads 240x180