Biyayang di inaasahan!

Image title

lai see

SI Lina, 27, tubong Cagayan, ay pitong buwan pa lang na nagtratrabaho sa kanyang among Intsik. Sa loob ng kanyang pitong buwang paninilbihan, wala naman siyang gaanong reklamo sa kanilang pag-uugali maliban lang sa pagiging sobrang tipid ng mga ito sa lahat ng bagay.

Madalas siyang sinasama ng kanyang amo sa pamamalengke, at napapansin nya na ang amo ay sadyang bumibili ng mga sobrang murang bilihan.

Sa pagbili ng gulay at prutas ay naglilibot talaga ang kanyang among babae upang mas makamura. Minsan natawa na lamang si Lina dahil ang mga gulay at prutas na binibili ng amo ay halos pabulok na. Ang mga nabiling prutas at gulay ay dapat kainin na agad at hindi na pwedeng patagalin.

Maging sa mga gamit sa bahay, tulad ng dishwashing liquid, gamit panlinis atbp. ay sadyang napakatipid ng kanyang amo. Madalas siyang pinagsasabihan na tipirin ang paggamit ng lahat ng mga bagay sa kanilang tahanan.

Sinusunod na lamang ni Lina ang gusto ng kanyang among babae upang di siya mapagalitan nito. Isang araw ng pahinga, narinig ni Lina ang kwentuhan ng kanyang mga kaibigan tungkol sa pagbibigay ng lai see ng kanilang mga amo sa pagsapit ng Chinese New Year.

Natuwa siya sa kanilang mga kwento at napabilib sa pagiging galante ng kanilang amo sa pagbibigay ng lai see.

Dahil sa alam naman niya ang pagiging matipid ng kanyang mga amo sa lahat ng bagay, di na umasa si Lina na mabibigyan ng lai see o kung mabigyan man ay alam niyang di ito malaking halaga.

Bago siya umalis ng bahay noong ika-16 ng Pebrero upang magholiday ay inabutan siya ng dalawang sobre ng kanyang mga amo, sabay sabing “Happy Chinese New Year”.

Nung siya ay nasa bus na ,nagulat si Lina dahil may lamang HK$1,000 ang bawat sobre. Sobrang tuwa nya sa biyayang di niya inasahang matatanggap sa kaniyang mga among sobrang tipid.

Ads 240x180
Ads 240x180
Ads 240x180
Ads 240x180
Ads 240x180