Kayo na kaya ang mag-alaga!

Image title

SI Baby,tubong Isabela, ay 15 taon nang naninilbihan sa kanyang employers na
may dalawang anak na may mga trabaho na rin. Matagal silang nanirahan sa isang
flat sa Pokfulam subalit noong nakaraang taon ay lumipat sila sa isang residential
house sa Repulse Bay. Dahil sa mas malaki ang bahay, nadagdagan ang trabaho ni Baby. Madalas din silang may bisita dahil sa kagustuhan ng pamilya na makita ng mga kaibigan at kamag-anak ang kanilang bagong bahay.

Ginagawa pa rin ni Baby ang mga trabaho dahil likas naman siyang matiisin. Minsan ay nakakaramdam siya ng matinding pagod lalo na pag may mga bisita pero dahil sa mababait naman ang kanyang mga amo at hindi naman siya sinisita. Ginagawa lang niya kung ano lang ang kaya niyang gawin at hinayaan naman siyang magpahinga kung kinakailangan kaya nakakaya naman ni Baby na mag-adjust sa kanyang trabaho. Pero habang nagtatagal sila sa Repulse Bay, napansin ni Baby na marami pala sa lugar na iyon ang may alagang aso.

Napansin din pala ito ng kanyang alagang dalaga at binata dahil nakikita nila at natutuwa silang pagmasdan ang mga aso na iba’t iba ang breed. Isang araw ay tinanong si Baby ng kanyang alagang dalaga kung gusto niya ng aso. Sumagot agad si Baby at sinabi niyang gusto niya ang aso subalit ayaw niyang mag-alaga nito. Alam na niya ang mga pahiwatig ng kanyang alaga kung kaya ay sinagot niya ito ng diretsahan.

Nais nang sabihin ni Baby na ang ng laki na nga ng inyong bahay at nagpaparty pa kayo tapos ngayon dadagdagan pa ng alagang aso, e di bahala kayo diyan. Akala ni Baby ay ayos na ang kanyang sagot at hindi na mangungulit ang dalagang alaga ngunit minsan ay kasama na ang buong pamilya na kumukumbinse kay Baby na pumayag na kumuha sila ng alagang aso. Ang sabi pa cute daw ang kukuning aso at siguradong sasaya si Baby at ang lahat sa presence nito. Hindi na nakapagtimpi si Baby at lakas loob na sinabing, sige kumuha kayo ng aso pero kayo na ang mag-alaga at marami na akong trabaho sa bahay ninyo. Hindi nakakibo ang buong pamilya sa kanyang tinuran at siguro nga napaisip sila sa kanyang tinuran na “kayo na kaya ang mag-alaga” dahil hanggang sa ngayon naman ay wala pa ring aso sa kanilang bahay.

Ads 240x180
Ads 240x180
Ads 240x180
Ads 240x180
Ads 240x180