Masuwerte pala siya!

Image title

 SI Marie, 24, tubong Pangasina6,n ay limang buwan pa lang na nagtratrabaho sa kanyang mga amo. First time niyang mag-abroad at sinubukan lang niya sa kagustuhang makapag-ipon ng mas malaki. Halos apat na taon siyang nagtrabaho sa Pilipinas at halos wala siyang maipon dahil sa hindi naman kalakihang sweldo.

Sa kanyang unang tatlong buwan, gusto nang sumuko ni Marie at umuwi na lang ng Pilipinas dahil siya ay nanibago ng husto sa kanyang trabaho. Pinayuhan siya ng mga kamag-anak na magtiis dahil ayon sa kanila kung ikukumpara sa iba  ang kalagayan niya sa amo ay maituturing na maswerte na siya. Sa hapon ay binibigyan pa siya ng oras ng pahinga ng kanyang amo. Mga alas-dos lang ng hapon ay tapos na siya at maghahanda na lang ng dinner ng alas-sais at kadalasan ay alas nuwebe ng gabi ay tapos na siya sa trabaho.

Madalas pang hindi kumakain ang kanyang mga amo sa bahay kaya nagtataka din ang kanyang mga kamag-anak kung bakit ganun na lang ang reklamo nya at naiisipan pa nyang umuwi na lang ng Pilipinas.

Kalaunan nagkaroon ng mga kaibigan si Marie, mga kaibigang nakakasalamuha  niya sa araw ng kanyang pahinga. Sa kanilang pagkwekwentuhan, nalaman niya ang mas malala pang kalagayan ng kanyang mga kaibigan. Karamihan sa kanila ay maagang nagsisimula sa umaga kumpara sa kanya at inaabot pa ng hanggang hating-gabi sa pagtratrabaho.

Dahil sa mga narinig, natuto si Marie na magpasalamat sa kanyang kasalukuyang kalagayan. Napagtanto na maswerte pala siya sa kanyang mga amo.

Dahil dito, naging inspirado siya sa pagtratrabaho at hindi na rin niya inisip ang umuwi ng Pilipinas. Naging mas inspirado pa siya ng makuha na ang kanyang passbook sa isang banko kung saan siya ay nagsimula ng mag-ipon. Appreciated na niya  ang kanyang kasalukuyang trabaho na magsisilbing paraan upang mas mapabilis ang kanyang pag-iipon para sa kanyang mga mithiin sa buhay.