Napalapit dahil sa masarap na luto

Image title

SI Wena, 42, dalaga, tubong Batangas,  ay anim na buwan pa lang sa kanyang bagong amo. Ang kanyang dating alaga ay mag-asawang may-edad na. Hindi biro ang trabaho niya sa dating mga amo kaya nagpasya siyang humanap ng bagong amo nang matapos ang kanyang kontrata.

Nagpasya siyang humanap ng may aalagaang bata sa kagustuhan niyang maranasan din ang pag-aalaga ng bata. Kahit na dalaga si Wena ay likas siyang magiliw sa mga bata kaya nagpursigi siyang humanap ng bagong amo na tugma sa kagustuhan niya.

Sa dami ng kanyang pagpipilian, nahirapan si Wena na magdesisyon.  Pinili niya ang isang pamilya sa Midlevels na may dalawang anak, isang lalake na 10 taong gulang at babae na 6 na taong gulang.

Tuwang- tuwa siya dahil matutupad na rin ang pangarap niya na makapag-alaga ng mga bata. Taliwas sa kanyang inaasahan ang nangyari, sobrang ilap at parang ayaw lumapit sa kanya ng mga bata lalo na ang batang babae.

Sa kanyang unang buwan dumating na sa puntong parang gusto na niyang sumuko dahil sa malamig na pagtanggap ng mga bata sa kanya. Nag-isip si Wena kung ano ang gagawin. Nagtanong-tanong siya ng opinyon ng kanyang mga kaibigan. Ibat-ibang paraan ang iminungkahi nila.

Sinubukan niya ang payo ng isa na pag-igihan ang pagluluto ng mga pagkaing gustong-gusto ng mga bata. Tinulungan siya ng isang kaibigan ng mga lutong siguradong magugustuhan ng mga bata.

Unti-unti ay napalapit ang loob ng mga bata kay Wena. Kung noon ay halos ayaw lumapit o tumabi ng mga bata sa kanya ngayon ay madalas na silang naglalambing lalo na kung malapit na ang oras ng kainan.

Kaya ngayon ay masaya na siya sa kanyang bagong trabaho. Tuwang –tuwa din ang kanyang mga amo dahil nakuha niya ang loob ng mga bata at naging masunurin pa sa kanya.

Nagbunga din ang kanyang pagtitiyaga, mahal na mahal siya ng mga batang alaga kahit ilang buwan pa lang siya sa kanila. May naidulot na mabuti ang masasarap na luto ni Wena!

 

 

Ads 240x180
Ads 240x180
Ads 240x180
Ads 240x180
Ads 240x180