Parang bagong salta

Image title

SA pakiramdam ni Lyn, kung ituring sya ng kanyang among babae ay bago at wala pa siyang karanasan mamasukan mula ng bumalik sya galing sa tatlong linggong bakasyon sa Pilipinas.

Inuutusan at sinasabihan si Lyn ng amo kung ano at alin ang dapat gawin at unahin sa mga gawaing bahay samantalang pangatlong kontrata na ni Lyn ang kasalukuyan niyang binubuno.

Iniisip na lang ni Lyn na dala siguro ang kanyang amo sa naranasang pagod at hirap sa mga gawaing bahay ng sya ay wala kaya bumabawi ng utos at gustong maramdaman uli ang buhay ng pagiging amo.

Sa totoo lang, nakaramdam ng awa si Lyn sa amo nya kasi may benda ang dalawang kamay nitio sa may wrist. Siguro sumasakit sanhi ng sobrang dami ng trabaho. Hindi raw kasi sanay ito sa marami at mabibigat na gawaing bahay.

Nahihiya namang magtanong si Lyn kung napano o kung ano ang nangyari sa mga kamay. Para medyo mabawasan ang nararamdamang pagkaawa ni Lyn sa amo ay sinasabi na lang nya sa sarili na mabuti naman at naramdaman ng amo kung gaano kahirap ang trabaho ng kasambahay.

Si Lyn ay 39 taong gulang, may asawa, dalawang anak, at tubong Tarlac.