Mga dapat malaman tungkol sa mga Covid-19 vaccine dito sa Hong Kong
Nagsimula ang malawakang Covid-19 vaccination programme ng Hong Kong government noong Peb. 26 at nasa 145,800 na ang nabakunahan dito sa siyudad.
Ngunit lumala ang pangamba ng mga tao matapos magtala ng apat na pagkamatay ilang araw lang ang nakalipas nang unang mabakunahan.
Bagaman sinabi na ng isang panel ng mga eksperto na walang direktang epekto ang pagbabakuna sa mga naunang pagkamatay, naapektuhan pa rin ang dami ng mga nais magpaturok ng Covid-19 vaccines sa siyudad.
Narito ang isang gabay sa mga bakunang ginagamit ngayon bilang pangontra sa Covid-19.
Ano ang mga bakuna laban sa Covid-19 na nandito sa Hong Kong?
Nagkaroon ng purchase agreements sa pagitan ng Hong Kong government at ng tatlong vaccine developers. Tig-7.5 milyong dose ng bakuna ang manggagaling mula sa mga kumpanyang BioNTech/Fosun Pharma, Sinovac, at AstraZeneca.
Naaprubahan para sa emergency use ang mga bakuna galing sa BioNTech/Fosun Pharma at Sinovac sa ilalim ng Prevention and Control of Disease (Use of Vaccines) Regulation (Cap. 599K)
Naunang dumating ang isang milyong dose ng bakuna galing sa Sinovac noong Peb. 19. Dumating naman ang nasa 1.34 milyong dose ng bakunang dinevelop ng BioNTech sa dalawang magkaibang batch: isa noong Peb. 27, at isang noong Marso 7.
Ano ang dapat kong malaman tungkol sa CoronaVac vaccine?
Ang CoronaVac ay bakunang dinevelop ng Sinovac, isang pharmaceutical company na nakabase sa Beijing, China. Ito ay inactivated vaccine na naglalaman ng inactivated SARS-CoV-2 virus.
Ayon sa World Health Organisation (WHO), ang inactivated vaccine ay naglalaman ng virus o bacteria mismo na nagdadala ng sakit o kahawig nito pero na-inactivate gamit ang mga kemikal, radiation, o init. Halimbawa nito ang mga bakuna laban sa influenza at polio.
Sino-sino ang maaaring magpabakuna ng CoronVac?
Sinabi ng Centre for Health Protection (CHP) na ang CoronaVac ay para sa mga may edad 18 pataas.
Pero kailangan daw isaalang-alang ang kalusugan ng mga may edad 60 pataas, dahil kakaunti lang ang impormasyon tungkol sa efficacy (o kakayahang pigilan ang pagkakahawa ng sakit) ng CoronaVac sa age group na iyon base sa mga clinical trials sa labas ng China.
Pinag-iingat ng CHP ang mga magpapabakuna ng CoronaVac kung sila ay may sakit, at kung maaari ay ipagpaliban muna ito base sa evaluation ng doktor.
Paano ang pagbabakuna ng CoronaVac?
Inirekomenda ng Advisory Panel on Covid-19 vaccines na mas maraming benepisyong maidudulot ang pagpapaturok ng CoronaVac kumpara sa peligrong dala nito.
Dalawang dose ng CoronaVac ang kailangan para maging immunised laban sa Covid-19. Bawat dose ay 0.5 mL, at dapat iturok sa itaas ng braso malapit sa balikat.
Ano ang dapat kong malaman tungkol sa Comirnaty vaccine?
Ang Comirnaty vaccine ay ang bakunang unang dinevelop ng German biotechnology firm na BioNTech at US pharmaeutical company na Pfizer. Ito ay mRNA vaccine o isang uri ng nucleic acid vaccine.
Base sa WHO, ginagamit ng nucleic acid vaccine ang genetic material ng mikrobyong kailangang sanggain at hindi ang buong mikrobyo. Ang genetic material, tulad ng DNA at mRNA, ang magbibigay ng direksyon sa mga cells ng katawan upang gumawa ng immune response o panlaban sa sakit.
Ang Shanghai Fosun Pharmaceutical Co. Ltd, o mas kilala sa Fosun Pharma, ang magiging katuwang ng BioNTech sa pag-iimbak at distribusyon ng Comirnaty sa Hong Kong.
Sino-sino ang maaaring magpabakuna ng Comirnaty?
Ang Comirnaty vaccine ay ibinibigay sa mga may edad 16 pataas.
Pero nagbabala ang CHP na huwag iturok ang Comirnaty sa mga may allergy dito o sa mga sangkap nito. Sinabi din ng CHP na kausapin muna ang doktor o nars kung merong sakit, problema sa bleeding, o mahinang immune system—bago magpa-iniksyon ng Comirnaty vaccine.
Paano ang pagbabakuna ng Comirnaty?
Dalawang dose ng Comirnaty vaccine na tig-0.3 mL ang ituturok sa itaas na bahagi ng braso. Dapat may at least 21 araw na pagitan ang dalawang dose.
Gaano ka-epektibo ang pagbabakuna laban sa Covid-19?
Ginagamit ng mga kawani ng pamahalaan at ng mga scientist ang “vaccine efficacy” bilang panukat sa pagka-epektibo ng isang bakuna.
Ayon sa Center for Disease Control, ang “vaccine efficacy” ay ang porsyento ng pagbaba ng kaso ng sakit sa grupong makatatanggap ng bakuna, kumpara sa grupong hindi makatatanggap nito.
Kung ang isang bakuna ay may 90% “vaccine efficacy,” ibig sabihin ay merong 90% na pagbaba sa dami ng kaso ng sakit sa grupong nakatanggap ng bakuna.
Base sa datos na pinag-aralan ng Advisory Panel, merong 50.65% efficacy rate ang CoronaVac kung mas mababa sa 21 days ang pagitan ng dalawang bakuna nito. Pero tumaas ang efficacy rate ng CoronaVac sa 62.3% kung ang pagitan ng dalawang dose ay lalampas sa 21 days.
Samantala, inilathala ng WHO na ang efficacy rate ng dalawang dose ng Comirnaty vaccine ay nasa bandang 95% kung ituturok ang dalawang dose nito na may 21 hanggang 28 araw ang pagitan.
Maaari bang magpalit ng bakuna kung nauna na akong mabakunahan ng ibang uri?
Ayon sa CHP, kailangang mabakunahan nang dalawang beses ng parehong bakuna para magkaroon ng sapat na proteksyon laban sa Covid-19.