FAQ: Gabay sa nakatakdang pagpapapasok sa HK ng FDWs galing sa ‘high-risk’ na lugar
Bilang serbisyo sa publiko, kinalap ng Hong Kong News ang mga kadalasang tanong ukol sa nakatakdang pagtatanggal ng ban sa mga byaheng pampasahero sa Pilipinas pati ang naging tugon ng pamahalaan ng Hong Kong sa mga ito.
Tatanggalin na ba ang ban sa Pilipinas?
Noong Ago. 3, binanggit ng pamahalaan ng Hong Kong na hindi na maipatutupad ang mga place-specific flight suspension mechanism sa ilalim ng bagong sistema ng pagkontrol ng mga border ng siyudad.
Sa ilalim ng place-specific flight suspension mechanism unang na-ban ang lahat ng byaheng pampasahero galing sa Pilipinas, India, at Pakistan noong Abr. 20.
Pero patuloy pa rin ang flight-specific suspension mechanism. Ibig sabihin, kung may mga flights mula sa isang airline na may sapat na dami ng pasaherong magpo-positibo para sa Covid-19, maaaring patigilin ang mga byaheng ino-operate ng airline papuntang Hong Kong.
Maaari na bang pumasok sa Hong Kong ang mga foreign domestic worker (FDWs) galing Pilipinas?
Pinaalala ng Labour Department noong Ago. 6 na maaaring makabalik sa siyudad ang mga residente ng Hong Kong at FDWs mula sa mga high-risk na lugar katulad ng Pilipinas at Indonesia simula Ago. 9, sa loob ng mga sumusunod na kondisyon:
- may negatibong Covid-19 test result 72 oras bago umalis patungong Hong Kong;
- kumpleto ang bakuna nila kontra Covid-19;
- maipapakita ang isang kinikilalang rekord ng pagbabakuna;
- pagkalapag sa siyudad ay sasailalim sa iniatas na pagka-quarantine sa isang designated quarantine hotel ng 21 araw;
- sasailalim sa apat na Covid-19 test habang naka-quarantine;
- imo-monitor ang sarili sa loob ng pitong (7) araw matapos ang quarantine; at
- magpapa-test muli sa community testing centre sa Hong Kong.
Ano ang kinikilalang rekord ng pagbabakuna?
Ang kinikilalang rekord ng pagbabakuna ay manggagaling mula sa isang institusyong pang-healthcare or isang kaugnay na awtoridad ng mga pamahalaan ng mga sumusunod na lugar:
- Hong Kong;
- mainland China; o
- isang bansa kung saan ang kanyang national regulatory authority ay kinikilala ng World Health Organisation (WHO) bilang stringent regulatory authority (SRA).
Nakapaloob sa listahan ng mga SRA ng WHO ang 36 na lugar. Sa sampung lugar na nakatala bilang high-risk na lugar ayon sa Hong Kong, isa lang ang may SRA: ang United Kingdom.
Hindi kasama ang Pilipinas at Indonesia sa listahan ng bansang may SRA ayon sa WHO. Dahil dito, hindi pa ituturing ng Hong Kong na kinikilalang rekord ng pagbabakuna ang mga vaccination record na galing sa Pilipinas at Indonesia.
ADVERTISEMENT (Click to know more)
ADVERTISEMENT (Click to know more)
ADVERTISEMENT (Click to know more)
Paano kung nakumpleto ko ang bakuna kontra Covid-19 sa Hong Kong?
Sinabi ng Hong Kong Labour Department sa pahayag nito noong Ago. 6 na maaaring makapasok ang mga foreign domestic workers galing sa high-risk na lugar tulad ng Pilipinas kung nakuha nila ang kumpletong dosage ng bakuna sa Hong Kong, at meron silang rekord ng pagbabakuna sa siyudad.
Paano kung nakumpleto ko ang bakuna kontra Covid-19, pero sa Pilipinas, o sa ibang bansa?
Kung ang bakuna ng isang FDW na nagbabalak pumasok sa Hong Kong ay galing sa ibang lugar maliban dito, kikilananin ang rekord ng pagbabakuna kung galing ito sa mainland China o sa mga bansang may SRA ayon sa WHO.
Pero dahil wala ang Pilipinas at Indonesia sa listahan ng WHO, hindi pa kinikilala ng Hong Kong ang mga vaccination records mula dito. Kaya hindi pa ito magagamit simula Ago. 9.
Dagdag ng Labour Department ng siyudad na kausap pa rin nila ang mga konsulado ng mga bansang pinanggagalingan ng mga FDW para maparaanan at mabigyan ng sertipikasyon ang mga rekord ng pagbabakuna ng mga FDWs sa kanilang sariling bansa.
Kapareha ng bakuna sa Hong Kong ang nakuha kong bakuna. Makakapasok ba ako ng Hong Kong?
Ang basehan ng pagpapasok muli sa Hong Kong ayon sa pinakahuling pahayag ng pamahalaan ay ang rekord ng pagbabakuna. Papapasukin ang isang residente o FDW kung ang rekord niya ng pagbabakuna ay galing sa Hong Kong, sa mainland China, o sa lugar na may SRA.
Anu-ano ang mga lugar na may stringent regulatory authority (SRA)?
Ayon sa World Health Organisation, may 36 na lugar kung saan ang national regulatory authority nila ay kinikilalang stringent regulatory authority.
- Australia
- Austria
- Belgium
- Bulgaria
- Canada
- Croatia
- Cyprus
- Czech Republic
- Denmark
- Estonia
- Finland
- France
- Germany
- Greece
- Hungary
- Iceland
- Ireland
- Italy
- Japan
- Latvia
- Liechtenstein
- Lithuania
- Luxembourg
- Malta
- Netherlands
- Poland
- Portugal
- Romania
- Slovakia
- Slovenia
- Spain
- Sweden
- Switzerland
- United Kingdom
- United States of America
- Norway
Kailangan pa rin bang sumailalim sa 21 araw na quarantine ang mga FDWs galing sa Pilipinas?
Dahil itinuturing pa rin ng Hong Kong na high-risk na lugar ang Pilipinas, lahat ng manlalakbay galing sa bansang ito ay kailangang sumailalim sa 21 araw ng pagka-quarantine sa isang designated quarantine hotel sa Hong Kong.
Sino ang dapat magbayad ng gastusin ng isang FDW sa pagka-quarantine, pati na rin sa pagpapa-test para sa Covid-19?
Binanggit ng isang tagapagsalita ng Labour Department noong Ago. 6 na dapat bayaran ng amo ang gastusin sa nucleic acid test ng mga FDW na babalik sa Hong Kong para magsimula ng bagong kontrata o para tapusin ang bakasyon.
Dagdag ng tagapagsalita, kasama sa obligasyon ng amo na sagutin ang gastusin sa accommodation pati na rin sa food allowances sa kabuuan ng pagka-quarantine ng FDW.