OFW biktima ng phone scammer, apektado ang kalusugan sa stress ng pagpapadala ng pera
Isang OFW ang nagmessage sa HKNEWS upang ipa-abot ang karanasan na siya ay na scam.
Ayon kay Didith (pangalan na ginamit para itago ang tunay na pangalan) ay may nagpadala ng message sa kanya sa WhatApp noong unang araw ng buwan ng April.
Sa mensahe sa WhatsApp, may nagpakilala sa kanya na umano ay nasa isang kumpanya na nais humingi ng tulong sa pagsagot sa survey nila.
Hindi naman nagkulang din si Didith sa biglaang pagmessage sa kanya ng isang tao na hindi niya kakilala, kayat tinanong niya pa ito paano nakuha ang kanyang phone number. Paliwanag ng scammer ang phone number nya ay binigay ng HR department ng kanyang pinapasukang kumpanya.
Masayang nagreply sa message si Didith at nagpaunlak na magbigay ng oras sa survey.
Sa survey na binigay sa kanya, mga ilang katanungan ang kailangan niyang sagutin ukol sa industriya ng kumpanya ng scammer.
Maliban sa ilang mga tanong sa survey, tinanong din ang kanyang nationality.
Matapos ang pagsagot sa survey, nagpasalamat ang scammer at umano ay bibigyan siya ng reward sa ginawa niyang pagsagot sa survey sa halagang HK$30. Siya daw ay kokontakin naman ng auditor ng kumpanya para siya bayaran.
Pagdating sa pagbayad sa kanya, binigyan na siya ng instruction na ang kuminikasyon ay gagawin na sa “Telegram” at di na siya dapat kontakin sa WhatsApp.
Binigyan siya ng code na umano ay gagamitin sa transaksiyon sa pagkuha ng kanyang reward o pera. Tinanong ang kanyang gender, trabaho,phone number, at nationality.
Tinanong din ang kanyang FPS (Faster Payment System) number para doon umano siya bayaran.
Matapos ibigay ang detalye ng kanyang mga inpormasyon, sinabihan siya na kailangan niya na maghintay siya ng 5-10-minuto at ang maita-transfer na ang pera.
Inalok din siya na magtrabaho as part-time at siya ay pinag-join sa isang chat group.
Sa group ay meron umano na task o dapat gawin. Binigyan siya ng account ng isang tao: pangalan, account number at PFS. Sa account na ito ay kailangan umano siya magdeposit ng pera. Matapos niya maghulog ng pera, tinuruan siya paano makapasok sa account ng grupo – binigyan siya ng code matapos magrehistro.
Madetalye at mitikuloso ang mga instructions sa kanya na sa mga sandaling iyon ay halos sundin niya ang lahat ng mga pinagagawa sa kanya sa online.
Sa ilang beses na palitan ng kominikasyon at pagsunod sa instructions sa kanya, halos di na mamalayan di Didith ang oras.
May pagkakataon din na siya ay binigyan ng instruction na magpadala ng pera sa account na binigay sa kanya bilang bahagi sa ginagawa ng grupo. Kailangan daw niya magdeposito ng pera bago siya bigyan ng task ng grupo.
Ang pera umano na kanyang pinapadala ay pumapasok naman sa account niya. Pinakita pa sa screenshot ang account niya sa grupo, kaya’t patuloy na nagtiwala si Didith.
Patuloy ang pagkontak sa kanya at ilang beses siya binigyan ng instructions na magdeposit sa account na binigay sa kanya na umano ay mapupunta naman sa nakalaan na sarili niyang account. Mula sa maliit na ilang daan HK dollar ay umabot sa libong dollar ang pinade-deposit sa kanya. Sa pagkakataon na lumaki ang hinihingi sa kanya, naapektuhan ang kanyang kalusugan dahil sa kinakailangan na ibigay na pera at sa nau-ubos niyang nakatabing pera.
Pero mahusay pa rin ang pagkumbinsi sa kanya ng scammer at pinakita muli na ang perang kanyang pinapadala ay napupunta sa sarili niyang account sa kanilang grupo, .
Sa kaiisip paano makapag-padala ng pera, naapektuhan pati na ang kalusugan ni Didith na ayon sa kanya ay may oras na siya ay nanginginig, di makahinga at halos himatayin. Sinabi din niya ito sa scammer na nanghihina siya gawa ng pag-iisip sa pagpadala ng pera, pero matatamis na salita ang sagot nito sa kanya.
Dahil sa napapagod at apektado na ang kanyang kalusugan, sinabi ni Didith na kailangan na niyang i-withdraw ang pera niya, ngunit pilit pa rin siyang nililito ng scammer at di nagbibigay ng paraan paano ma-withdraw pera niya.
Sa panahon na apektado na ang kanyang kalusugan at nanghihina na siya na ayaw din niya na umabot pa sa kung saan, doon nagpagtanto ni Didith na siya ay nabiktima ng scammer. At dito nagising si Didith na siya ay na-scam o naloko matapos halos umabot ng ilang linggo na panloloko sa kanya.
Mabilis din niyang natanggap ang pagkakamali niya at agad tinigil ang kuminikasyon sa scammer.
At sa tulong ng HKNEWS, nais niyang ibahagi ang kanyang karanasan na nagbigay aral sa kanya at maging daan na huwag din maaging biktima ang iba pang kapwa niya na OFW.
Bilin ni Didith sa lahat ng makakabasa nito:
“Siguro po ay ang huwag magpadala sa salitang “easy money”, at huwag basta basta magtiwala sa mga taong nakakausap lalo na po kung hindi totoong kakilala”.
“Sa kagustuhan ko na kumita at magkaroon ng extra income para may maipangtustos sa Nanay ko na may sakit ( may cancer po Nanay ko) kaya ako ay nadala sa matatamis na salita ng nakausap ko sa online, madali ako nagtiwala na hindi ko naisip na masamang tao pala sila”.
“Kaya itong nangyari po sakin ay magiging aral na sakin at kaya po nireport ko sa inyo ay para makapagbigay aral din sa ibang kapwa Pilipino natin or kahit kanino po na mag iingat sa mga nakakausap online”.
At ang panghuli niyang bilin sa lahat.
“Huwag basta magtiwala dahil ang mundo ay punong puno karahasan at kasamaan”.