CARD OFW HK Kaalamang Pangkabuhayan inilunsad

Image title

Ang ilang dumalo sa training

MAY 159 overseas Filipino workers ang dumalo sa dalawang session ng kauna-unahang actual livelihood skills’ training na ginanap noong ika-20 ng Septyembre sa Bayanihan Centre.

Bilang tugon sa hiling ng karamihan, bukod sa Financial Literacy at Entrepreneurship seminar na dating ibinibigay ng grupo, sinimulan na din ang pagbibigay ng actual skills training. Ang nasabing
bagong programa ay magbibigay din ng pagkakataon para sa mga trainors na OFW na ibahagi ang kanilang kahusayan at talento sa mga kapwa OFWs.

Longganisa-making at Basic Fruit Carving ang naging sentro ng unang pagsasanay na pinangunahan ng mga Livelihood Trainors na sina Ching Baltazar, Lufrecia Ruiz, Siony Medina para sa Longganisa Making kung saan itinuro ang paggawa ng karaniwang longganisa at skinless at Elpie Abel sa Basic Fruit Carving.

Sa Fruit Carving, natutunan ng mga dumalo ang pagdisenyo ng apple duck, swan at iba pa mula sa mansanas. Nagsilbi ring inspirasyon at hamon ang mga ipinakitang iba pang gawa ng nasabing
trainor mula sa ibang uri ng prutas na nagpapakita ng ibat-ibang disenyo.

Ang mga nabanggit na trainors ay mga eksperto sa kani-kanilang linya ng livelihood. Umani ng positibong reaksyon at masayang pagtanggap ang nasabing training.

“Mahalaga na natuto ako ng mga ito, sa aking pag-uwi sa hinaharap maari kong magamit ito sa pagtupad ng minimithi kong munting negosyo”, turan ni Corazon Villanueva na isa sa mga
dumalo.

“Hilig ko ito kaya tuwang- tuwa ako ng mabasa ko ang anunsyo, agad-agad akong nagparehistro”, sambit naman ni Elizabeth Junio.

Ayon naman kay Ching Baltazar na isa sa mga trainors, “Nakaka- touch ang mga sinabi nila at nakakataba ng puso ang kanilang ‘words of appreciation,’ tunay ngang damang-dama ang kagustuhan
nilang matuto hindi lang para sa self-development kundi nakikita na rin nila itong potential source of livelihood pag nag- for good.”

Sa pagtatapos ng training, umuwing punong-puno ng tuwa at inspirasyon ang mga dumalo sa bagong kaalamang natamo.

Sa mga hindi pa nakadalo sa CARD OFW HK Financial Literacy, makipag- ugnayan sa 95296392 / 54238196 for reservation and inquiries para sa susunod na seminar sa October 18 sa Bayanihan Centre at abangan din ang mga susunod pang pagsasanay na hatid ng nasabing grupo.