Pagsubok naigpawan, tagumpay ay nakamtan!

Image title

Si Nimfa at Juvy

SI Juvy Fortunato, 48, tubong Pangasinan, 16 taon na sa Hong Kong ay ‘di masukat ang galak nang matunghayan ang latest result ng CPA Board Exam sa Pilipinas.

Ang kanyang bunsong anak na si Nimfa, na 20 taong gulang lamang, ang isa sa maswerteng nakapasa sa nasabing exam at take one lang. Si Nimfa ay kasalukuyang nagtatrabaho na sa PSV Accounting Firm sa Intramuros.

Hindi maiwasan ni Juvy na mapaluha sa galak dahil ‘di biro ang dinanas niyang pagsubok at hamon sa buhay. Si Juvy ay 12 taon nang hiwalay sa kanyang asawa at mag-isa niyang itinaguyod ang kanyang mga anak sa pag-aaral. Ang kanyang panganay ay nakatapos lang ng hayskul at nagtanan limang buwan pagkatapos nilang maghiwalay na mag-asawa.

Hindi siya binigo ng kanyang bunso, nagpursige ito ng husto sa pag-aaral at ngayon nga ay isa nang Certified Public Accountant at may magandang trabaho.

Lubos ang pasasalamat ni Juvy sa kanyang mga amo na mababait gayundin ang kanyang mga kaibigan na hindi siya iniwanan at pinahindian sa mga panahong nangangailangan siya ng tulong para sa mga pangangailangan ng anak.

Natupad na ang isa sa kanyang mga pangarap na makapagpatapos ng anak, nakabili na din siya ng sariling lupa at ngayon katuwang ang kanyang anak ay unti-unti na nilang ipinapagawa ang kanilang pinapangarap na bahay.

Naging mabunga ang pagsisikap ni Juvy sa Hong Kong, kahit na ano pa man ang unos na pinagdaanan niya noon ngayon ay sumisilay na ang magandang bukas para sa kanya at sa kanyang mga anak.