301 Pilipino tumanggap ng amnestiya sa Oman

TINULUNGAN ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Oman ang 301 Pilipino na ilegal na namamalagi doun.

Tumulong ang POLO para makapagrehistro ang mga Pilipino sa pinalawig na programang amnesitya ng Sultan ng Oman para sa mga ilegal na dayuhang manggagawa na nagtapos noong Oktubre 31, 2015.

“Nakatanggap kami ng ulat mula kay Labor Attache Nasser S. Mustafa ng POLO-Oman na 301 Pilipino ang kanilang nai-rehistro para sa programang amnestiya, at 218 ang nakauwi na, samantalang 83 ang naghihintay na maaprobahan ng Oman Ministry of Manpower and Immigration,” pahayag kahapon ni Kalihim ng Paggawa at Panghanap-buhay Rosalinda Dimapilis-Baldoz.

Sa ulat ni Labor Attache Mustafa kay Kalihim Baldoz, sinabi niya na nagsimula noong Abril ng taong ito ang programang amnestiya at ito ay nagtagal ng ilang buwan at nagtapos nitong 31 Oktubre 2015.

Mabibigyan ng pagkakataong makauwi ang mga nagparehistro sa POLO at natanggap ng Oman-Ministry of Manpower bago mag-akinse ng Nobyembre.

Nakasaad din sa ulat ng POLO na mahigpit nang ipatutupad ng mga awtoridad ang batas sa lahat ng ilegal na dayuhan sa Oman.

“Naging masugid kami sa aming panawagan para sa programang amnestiya sa lahat ng Pilipinong ilegal na naninirahan sa Oman upang sila ay makaiwas sa parusa at pagkakakulong,” ani Baldoz.

Tinatayang may 600,000 ilegal na dayuhang manggagawa ang na-dokumento ng awtoridad ng Oman, ngunit 100,000 lamang dito ang umalis na ng bansa, ayon sa ulat ni Labor Attache Mustafa.

Inulat ng Oman National Statistics and Information Center na may 1,470 ilegal na manggagawang Pilipino ang nasa Oman, subalit 301 lamang sa mga ito ang nagpakilala at humiling na makasama sa programang amnestiya.

Kabilang sa tumanggap ng amnestiya ang 21 manggagawa.

Ads 240x180
Ads 240x180
Ads 240x180
Ads 240x180
Ads 240x180