‘Kung walang COVID-19, uuwi ako’: mga nagdadalantaong FDWs na naipit sa Hong Kong

Image title

Alexandria*, 26, gave birth to a healthy baby girl.

Sa isang apartment sa Hong Kong, akay-akay ni Alexandria*, 26, ang kanyang sanggol. Mamula-mula ang pisngi nito at maamo, tila hindi nababahala sa dami ng tao sa loob ng kanilang pansamantalang tirahan.

Sa sala, nakikinig sa isang teleconference sa laptop ang dalawa pang Pilipina—na nagtuturo sa kanila kung paano maghawak ng pera. Sa kabilang kwarto naman, nakasabit ang makukulay na lobo para ipagdiwang ang panganganak ng isang Indonesian na kasama nila sa bahay.

Halos lahat ng pansamantalang nanahan sa apartment, na may tatlong kwarto at limang kama, ay mga domestic worker na nagdadalantao o bagong panganak. Pinatatakbo ang tirahang ito ng PathFinders HK, isang organisasyon na tumutulong sa mga migrant workers na nanganak at manganganak, pati na sa kanilang mga supling.

Ani Alexandria, hindi niya inakalang aabot siya sa ganitong sitwasyon, na manganganak siya sa kasagsagan ng isang health crisis.

“Sobrang laking tulong sa’kin kasi wala akong magpatirahan nang ganito, na maging safe kami ng baby ko,” sabi niya.

Napag-alaman lang niya na buntis siya noong Mar. 3, nag magpunta siya sa doktor. Nang hingan niya ng tulong ang ama ng kanyang dinadala, ayaw niyang mag-abot ng tulong.

“Noon kasi, ang isip ko lang is trabaho. Trabaho lang ako nang trabaho. Tapos, nagka-boyfriend ako. Tapos hindi ko balak na mabuntis ako. N’ung nalaman ko, bakit ko ginawa ‘yun?” dagdag niya.

Mabigat ang pasanin ng mga nagdadalantaong domestic worker sa Hong Kong. Bagama’t legal ang sinumang nagta-trabaho na mabuntis dito, mabigat na gastusin ang pagbubuntis. Hindi sakop ng employer ang gastos kaugnay ng pagdadalantao, ngunit saklaw ang mga FDWs ng karapatan magka-maternity leave na may bayad.

Para sagutin ang gastusin, humingi ng tulong si Alexandria sa isang social worker ng pamahalaan.

“Sa ganitong sitwasyon ko, parang, marami pang kailangan iprocess para sa mga anak ko,” ani niya. “Walang tutulong sa akin.”

Ganoon din ang naramdaman ni Sarah*, 41, na unang beses pa lang magbubuntis. Akala niya’y hindi na siya magkakaanak dahil sa kanyang polycystic ovarian syndrome (PCOS), ngunit nagbunga ang pagsasama nila ng kanyang nobyo na trabahador din dito sa siyudad.

Ngunit nang malaman ng amo ni Sarah na buntis siya, tila nagalit ito. Nagsasabi na raw siya na pwede nang i-terminate ng amo niya ang kanyang kontrata dahil hindi na niya nagagawa ang kanyang trabaho katulad ng dati, pero sa halip ay dinagdagan pa ang trabaho nito.

“Four months pa lang, malaki na [ang tiyan ko] kaya nahirapan akong mag-akyat baba [ng bahay]. Araw-araw ‘yan, tapos hindi pa ako pinapalabas,” sabi niya.

Dahil di siya pinalalabas ng kanyang amo dahil sa banta ng COVID-19, Apr. 29 nang makapunta siya sa doktor sa kanyang pagbubuntis. Kalaunan, bumitaw na rin siya sa kanyang amo dahil pinabigat pa lalo nito ang trabaho niya at hindi rin daw siya pinapakain nang maayos.

Ninais ni Sarah umuwi ng Leyte para doon manganak, ngunit nakansela ang mga biyahe pauwi dahil sa pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.

“Kung wala sana ‘yung COVID, walang problema, kasi talagang uuwi ako,” aniya. “Ayaw ko ring magtagal dito nang ganito, kasi siyempre hindi natin lugar ‘to.”

Hindi rin daw nakatulong na maraming tao, tulad ng mga kapwa nila domestic worker, ang nagsasabi ng negatibong bagay ukol sa kanyang pagdadalantao. Dumadagdag daw ito sa stress ng pag-iisip ng panggagalingan ng gastos, at sa pagdadalantao sa ibang bansa.

Marami sa mga nagdadalantaong domestic workers ang napipilitang bumitaw o ilegal na binibitiwan ng kanilang mga amo, ayon sa PathFinders.

At kapag natapos pa ang dalawang linggong palugit para maghanap ng trabaho, mawawalan ng bisa ang work visa ng mga FDWs at mawawalan sila ng karapatang gumamit ng pampublikong serbisyo tulad ng prenatal screening.

Kumpara sa ilang dormitoryo para sa domestic workers, hindi gumagamit ang PathFinders ng mga double-decker beds. Ayon sa kanila, mababawasan nito ang tsansa ng pagkakalaglag ng nagbubuntis.

Tatlo ang kwarto sa PathFinders HK shelter kung saan nananatili ang limang inang domestic worker pati ang kanilang mga sanggol.

May kusina din ang tirahan para payagang makapagluto ang mga nanay ng pagkaing masustansya para sa nutrisyon kanilang mga anak—malayo sa kadalasang nakakain daw nilang mga delata o tira-tira mula sa kanilang mga amo. Dagdag pa rito, nagkakaroon ng mga food coupons ang mga naninirahan dito.

Naging bukas ang pintuan ng shelter noong 2011, ngunit nakaapekto din sa paghanap ng pondo ang pulitikal na sitwasyon sa Hong Kong pati na rin ang pandemya ng COVID-19. Napilitan silang kanselahin ang fundraising dinner nila na dapat ay makakakalap ng mahigit HK$3million mula sa mga donasyon.

Sa ngayon, sinimulan ng PathFinders ang kanilang kampanya: ang Listen to Her, na isang serye ng mga kwento ng mga domestic workers na nananatili sa kanilang shelter.

Ayon kay Kuma Chow, senior communications manager ng NGO, nais nilang kumalap ng mahigit HK$600,000 para masagot ang mga gastusin upang magtuloy-tuloy ang kanilang pag-abot ng tulong sa mga ina katulad ni Alexandria at Sarah*.

*Binago ang mga pangalan para protektahan ang privacy ng mga kinapanayam.

ADVERTISEMENT